Bumaba ng 10 puntos ang trust ratings ni Pangulong Rodrigo Duterte ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Mula sa +75 na may klasipikasyong “excellent” sa survey na isinagawa noong Disyembre ay bumagsak ito sa +65 na may klasipikasyong “very good” sa survey na isinagawa noong March 23 hanggang 27.
Ito na ang ikalawang beses na bumagsak sa “very good” ang trust rating ng pangulo mula nang makakuha ito ng +60 na may kaparehong klasipikasyon noong Setyembre 2017.
Ayon sa SWS tatlo sa bawat apat na Filipino o 76 percent ang nagsabi na mayroon silang ‘much trust’ kay Duterte. Mababa ito sa 83 percent na nakuha niya noong Disyembre.
Sampung porsyento naman ang nagsabi na mayroon silang ‘little trust’ sa president na mas mataas sa nakaraang survey.
Tumaas naman mula sa 10 percent sa 14 percent ang bilang ng undecided.
Ang net trust rating ay ang rounded off difference ng mga nagsabing mayroon silang ‘much trust’ at ‘little trust’ sa pangulo.
Ang net trust rating ay tumutukoy sa tiwala ng publiko sa isang personalidad at iba sa satisfaction rating na sumusukat sa ‘contentment’ o kasiyahan ng publiko sa performance ng isang indibidwal.
Matatandaang sa kaparehong survey period ay napanatili ni Pangulong Duterte ang “very good” na net satisfaction rating mula December 2017 sa +56.