Mga volunteers nagpakita ng pwersa sa unang araw ng rehabilitasyon ng Boracay

Photo: DOT/Asec. Ricky Alegre

Maaga pa lamang ay nagpakita na ng bayanihan ang iba’t ibang mga grupo bilang bahagi ng 6-month rehabilitation plan para sa isla ng Boracay.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Department of Tourism Asec. Ricky Alegre na maraming mga volunteers ang nagdala ng kani-kanilang mga kagamitan para sa pagsisimula ng paglilinis sa nasabing isla.

Tiniyak naman ng opisyal na mananagot ang ilang mga establishemento na lumabag sa mga environmental laws tulad ng direktang pagtatapon ng kanilang mga dumi sa dapat sana ay daanan lamang ng tubig ulan.

Sinabi ni Alegre na maraming mga establishemento ang hindi nakakonekta sa sewerage system na siyang daanan ng mga dumi papunta sa isang waste treatment facility na pinamamahalaan ng Ayala group.

Posible umanong nagtitipid ang ilan sa mga ito o kaya naman ay sadya silang hindi sumunod sa mga ipinaiiral na batas.

Bukod sa ilang mga volunteers, sinabi ni Alegre na nagpadala rin ng tauhan ang ilang mga business leaders para tumulong sa mga tauhan ng pamahalaan na nagsasagawa ng paglilinis at rehabilitasyon ng isla.

Mahigpit rin ang kanilang ginagawang pagbabantay sa buong Boracay island dahil sa mga ulat na mayroong nagbebenta ng mga pekeng IDs para lamang makapasok sa isla.

Ang rehabilitasyon ng Boracay ay pinangungunahan ng DOT, Department of Environment and Natural Resources at Department of Interior and Local Government (DILG).

Read more...