Mga delegado ng APEC, natuwa sa kanilang tour sa Cebu at Lapu-Lapu City
Ikinatuwa ng mga delegado ng Asia-Pacific Economic Cooperation (Apec) 9th Transportation Ministerial Meeting (TMM9) ang kanilang pagbisita sa Cebu City.
Natunghayan nila ang magagandang tourist spots at historical sites sa Cebu City at Lapu-Lapu City sa pamamagitan ng tatlong oras na tour.
Kabilang sa mga pinuntahan ng mga delegado ay ang Plaza Sugbo sa harap ng Cebu City Hall kung saan napanood nila ang maikling pagsasadula ng pagdating ni Ferdinand Magellan kasama si Antonio Pigafetta at kanilang mga sundalo.
Sunod ay ang Magellan’s cross kung saan naman napanood nila ang mga nakatatanda na sinasayaw ang tradisyunal na sayaw ng Sinulog; sa Basilica Minore del Santo Niño na isa sa pinakamatandang simbahan sa bansa; sa Fort San Pedro kung saan sila ay nakasakay sa mga calesa, at sa SM Seaside City at sa San Pedro Calungsod Chapel na may isandaang pader.
Ang huli nilang pinuntahan ay ang Lapu-Lapu shrine kung saan makikita ang rebulto ni Lapu-Lapu na gawa sa tanso at may taas na 20 metro.
Pinuri ng mga delegado ang magagandang tanawin na kanilang nakita kung saan nag-enjoy sila na magpakuha ng mga litrato.
Natuwa rin sila sa pagka-organisado ng tour na ibinigay sa kanila dahil sa maraming impormasyon na naihatid nito, at pati na rin sa mabait na pakikitungo at malugod na pagtanggap sa kanila ng mga tao.
Karamihan sa kanila ay nagsabi na nais nilang bumalik at muling bisitahin ang Cebu para magbakasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.