Nakatakdang tumulak sa Boracay island ngayong araw si Philippine National Police Chief Director General Oscar Albayalde.
Ito’y para inspeksyunin ang seguridad na inilatag na doon ng kanilang hanay at bantayan ang unang araw ng pagpapatupad ng closure sa isla.
Bago magtanghali, inaasahan ang pagdating ni Albayalde sa Boracay.
Nabatid na may nauna sana syang schedule sa Camp Crame para sa traditional service lunch kasama ang mga bagong graduate ng PNPA Maragtas Class of 2018 pero inilipat na lamang ito ng ibang araw para bigyang prayoridad ang naturang aktibidad.
Una nang sinabi ni Albayalde na inatasan nya na si Region 6 Director Cesar Binag na magmando sa seguridad na ipinapatupad sa isla.
Kaniya ring binanggit na nakaposisyon na doon ang nasa 600 mga pulis na magbabantay sa lahat ng kaganapan lalo na sa mga nakaambang kilos protesta na posibleng ikasa ng mga tutol sa gagawing pagpapasara.
Samantala, kahapon ay naging maayos naman sa kabuuan ang simulation exercise na ginawa ng PNP sa isla.
Ang Boracay ay isinara epektibo kaninang alas-12:01 ng madaling araw alinsunod na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.