Mga kondisyon para sa cash grants mula 4Ps sa Boracay, susupendihin muna ng DSWD
Sususpendihin muna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga kondisyong inilatag para makuha ang financial assistance mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Boracay.
Ayon kay DSWD Officer-In-Charge Emmanuel Leyco, ito ay bilang konsiderasyon sa mahirap na sitwasyong pagdaraanan ng mga benepisyaryo ng programa sa pagsisimula ng rehabilitasyon sa isla.
Kabilang sa mga kondisyon para makuha ang cash grants ayon kay Leyco ay ang pagpunta sa health centers, maabot ang 85 percent na school attendance at pagdalo sa mga family development sessions.
Gayunman ayon sa opisyal, maaaring mahirapan ang mga pamilya na papasukin ang kanilang mga anak sa mga paaralan nang regular o makapagpa-check up sa mga health centers dahil sa epekto ng pagsasara sa isla.
Kailangan umanong suspendihin ang ilang attendance requirements nang magkaroon ang mga benepisyaryo ng mas maraming oras upang makahanap ng hanap-buhay.
Naiiintindihan anya ng DSWD na karamihan sa mga ito ay may trabaho na may kinalaman sa tourist trade sa isla.
Sa tala ng DSWD, aabot sa 684 ang household beneficiaries ng 4Ps sa Boracay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.