DSWD magsasagawa ng imbestigasyon sa inirereklamong food packs para sa Marawi evacuees
Tiniyak ng isang opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na iimbestigahan ng kagawaran ang mga reklamong natatanggap tungkol sa relief goods na ipinamamahagi sa mga evacuees sa Marawi City.
Ito ay matapos magreklamo ang isa sa mga kinatawan ng internally-displaced persons (IDPs) sa Marawi sa kasagsagan ng isang event sa Quezon City na sawa na sila na makatanggap ng sardinas mula sa DSWD.
Ayon sa bakwit na si Sowara Miyamagoyag, sa mahigit sampung buwan ay tanging sardinas at mababang kalidad ng bigas lamang ang natatanggap nila mula sa kagawaran kaya’t ang hinihingi na lamang nila ay cash assistance.
Gayunman, ayon kay DSWD Undersecretary Luzviminda Ilagan, naglalaman ang mga relief goods na kanilang ipinamamahagi sa mga bakwit ng iba’t ibang canned goods tulad ng corned beef, meat loaf at cereals.
Kaya nagtataka anya siya dahil nagsikap silang mapalitan ang laman ng food packs.
Iginiiit pa nito na pinaganda pa ang packaging ng mga relief packs sa pamamagitan ng paglalagay sa mga kahon nang sa gayon ay hindi maabuso ng mga mapagsamantalang indibidwal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.