Hindi lang ang pagtugis sa mga drug suspects ang target ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Lunes ng umaga, opisyal nang inilunsad ng ahensya ang Balay Silangan Reformation Proram na naglalayong isailalim sa rehabilitasyon ang mga drug suspects na sumuko sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay PDEA Dir. Gen. Aaron Aquino, ang Bahay Silangan ay ‘alternative intervention’ para sa mga indibidwal na nalulong na sa bisyo ng iligal na droga at hindi napahintulitang sumailalim sa medical treatment.
Kaugnay nito, nagkaroon din ng paglagda sa Memorandum of Understanding ang PDEA sa National Oversight Committee kung saan bubuksan ang 4 na pilot sites sa General Santos sa May 22, Cabanatuan City sa May 24, Capiz sa May 26 at Caloocan City sa May 30.
Dagdag pa ni Aquino, sa pamamagitan ng programa magkakaroon ng ‘fresh start’ ang mga drug suspects dahil nakapaloob dito ang General interventions kagaya ng education at health awareness, psychological/spiritual/physical activities katulad ng counseling, moral recovery at values formation.
Livelihood at skills training programs – kagaya ng soap making, massage training, basic carpentry, welding, at haircutting ang ibibigay sa mga sumukong drug suspects.