Si Dr. Kendrick Gotoc ay tumanggap ng tatlong dosage ng Dengvaxia, dalawang taon na ang nakararaan at binawian ng buhay sa isang ospital sa Quezon City noong Linggo.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III na dapat hintayin muna ang resulta ng lahat ng pagsusuri na ginawa sa duktor.
Mahalaga din aniyang malaman ang profile nito, bago maglabas ng mga konklusyon na Dengvaxia nga ang kaniyang ikinasawi.
Ani Duque, wala pa ngang naisasagawang otopsiya sa katawan ni Dr. Gotoc at hindi pa ito kumpletong nasusuri.
Sa panig naman ng Public Attorney’s Office, hindi umano dapat agad idiskwento ng DOH na Dengvaxia nga ang ikinasawi ni Gotoc.
Sinabi sa Radyo Inquirer ni PAO Chief Atty. Persida Rueda Acosta na itatakda pa lamang ang autopsy sa katawan ni Dr. Gotoc, pero kung ang pagbabasehan ay ang clinical records at signs, ang dinanas ng duktor ay pareho ng mga nangyari sa mga batang nasawi na nasuri ng PAO.