Kritisismo sa giyera kontra droga hindi iniitsapwera ng gobyerno – Palasyo

Nanindigan ang Palasyo ng Malacañang na sineseryoso nito ang mga kritisismong natatanggap sa giyera kontra droga at hindi ito isinasantabi lamang.

Sa pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sineseryoso naman ng gobyerno ang mga kritisimo ngunit hindi kailangang i-broadcast pa ang lahat ng mga ginagawa nito.

Ito ang sagot ng palasyo sa hamon ni Sen. Panfilo Lacson na sagutin ng administrasyon ang mga kritisismo ng European Union (EU) nang base sa katotohanan at hindi sa pamamagitan ng pang-iinsulto.

Iginiit pa ng kalihim na ginagawa ng Philippine National Police (PNP) ang abot na makakaya nito masiguro lamang na hindi sangkot ang mga pulis sa extra judicial killings (EJK) tulad nang ibinabato ng mga kritiko mula sa EU.

Samantala nasa kamay naman na umano ng EU ang desisyon ukol sa panawagang i-review ang ipinagkaloob nitong GSP Plus status sa Pilipinas.

Ang naturang status ay nagbibigay sa bansa ng pribilehiyo na makapag-export ng 6,000 eligible na produkto sa EU member states ng duty-free o walang buwis.

Anya pa, ilang beses nang nilinaw ng pangulo ang posisyon nito sa umano’y EJK at sinabing hindi kukunsintehin ang mga alagad ng batas na aabuso sa kapangyarihan.

Read more...