Sr. Patricia Fox, iginiit na hindi rally ang dinaluhang event sa Davao City
Kinumpirma ng Australyanong madre na si Sister Patricia Fox na siya ang mga nasa larawang ipinakita ng Palasyo ng Malakañang kung saan inihayag na siya ay sumamasama sa mga rally.
Sa isang pulong balitaan sa Quezon City, iginiit ni Sr. Fox na hindi rally ang naturang event kundi dapat ay isang press conference ngunit wala anya siyang nakitang press.
Anya, nagbigay lamang siya ng isang ‘solidarity message’ sa naturang pagtitipon ng mga demonstrador sa harap ng Coca-Cola Bottlers Philippines sa Davao City noong Abril 9.
Nais niya lamang sanang itaas ang morale ng mga manggagawa at ipinahayag ang kanyang kalungkutan dahil matagal na anyang nagtatrabaho ang mga ito at kinansela ang kanilang mga kontrata.
Sinabi pa niya umano na may karapatan ang mga manggagawa na humingi ng patas na pasahod.
Ayaw naman ng madre na magbigay ng pahayag laban sa pangulo at sinabing ang tanging nais niya lamang ay hindi maipatapon palabas ng bansa.
Sinabi ni Sr. Fox na umaasa siyang makapanatili sa bansa dahil gusto niya rito.
Iginiit naman ng abogado ng madre na si Atty. Kathy Panguban na may karapatan si Fox na sumali sa mga kahalintulad na aktibidad dahil ito ay kinikilala ng Konstitusyon at maging ng mga international laws.
Ang madre ay nasa Pilipinas na sa loob ng halos tatlong dekada at tumutulong sa mga indigenous peoples.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.