FEU pasok sa Finals ng UAAP Season 80 women’s volleyball tournament
Matapos ang 9 na taon ay muling nagbabalik sa finals ng UAAP women’s volleyball ang Far Eastern University.
Ito ay matapos nilang talunin ang Ateneo sa kanilang laban kahapon sa MOA Arena sa iskor na 25-20, 25-21, 14-25, 25-19.
Dahil dito, nabigo ang Lady Eagles na maipagpatuloy ang kanilang ikaanim na pagpasok sa finals mula UAAP Season 74.
Ayon kay FEU Coach George Pascua, pinaghirapan nila at plinanong mabuti ang panalo at marami silang naisakripisyo upang marating ito.
Nagpakitang gilas sina Bernadeth Pons sa kanyang 17 puntos, 19 receptions at 16 digs habang si Toni Rose Basas naman ay nagtala ng 17 markers dahilan upang kapwa pangunahan ang Lady Tamaraws.
Nanguna naman para sa Lady Eagles sina Kat Tolentino at Jhoana Maraguinot sa kanilang tig-11 puntos.
Makakalaban ng FEU sa best-of-3 finals ang mananalo sa pagitan ng National University at De La Salle University.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.