Escudero nanguna sa survey ng Pulse Asia sa vice presidential race
Nanguna si Sen. Francis “Chiz” Escudero sa survey ng mga tatakbo sa pagka-bise presidente sa 2016 elections.
Sa bagong survey na inilabas ng Pulse Asia, lumabas na 43% ang pumipili na si Escudero ang iboto bilang susunod na pangalawang pangulo ng bansa.
Sumunod kay Escudero si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos sa 19% na kahapon lamang nag-anunsiyo ng kanyang kandidatura para sa pagka-bise presidente.
Nasa pangatlong puwesto si Sen. Alan Peter Cayetano sa 16% habang si Sen. Antonio Trillanes IV na may 9% ay nasa pang-apat na puwesto.
Pinakahuli at nasa pang-limang puwesto sa survey ay si Camarines Sur Rep. Leni Robredo sa 7%.
Ang pinakabagong Pulse Asia survey ay isinagawa mula September 8 hanggang 14, kapareho ng panahon ng paglabas sa resulta naman ng survey sa mga tatakbong presidente at bise presidente para sa buwan ng Setyembre.
Ngunit ang resulta ng survey sa Vice Presidential race na inilabas ng Pulse Asia noong nakaraang buwan ay labing dalawang kandidato pa ang kabilang at isa na rito si Sen. Grace Poe.
Noong September 16 lamang nagdeklara si Poe nang kanyang kandidatura para sa pagka-pangulo na sinundan naman ng deklarasyon ng pagtakbo ni Escudero bilang running mate ng senadora.
Ang survey ay isinagawa bago pa ang pagtanggap ni Robredo sa alok ng Liberal Party na maging running mate ng kanilang standard bearer na si Mar Roxas at bago pa kumpirmahin nina Cayetano at Marcos ang kanilang planong pagtakbo sa naturang posisyon.
Si Trillanes naman ay ilang beses nang nagpahaging ng kanyang siguradong pagsabak sa pagka-bise presidente habang isinasagawa ang naturang survey ngunit noong nakaraang linggo lamang niya pormal na idineklara ang kanyang pagtakbo.
Sa limang kandidato sa naturang posisyon, sina Escudero at Robredo lamang ang may sariling presidential running mates.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.