Inihayag ng North Korea na handa na silang makipag-digma sa U.S sa gitna na rin ng naging pahayag ng Pentagon na sila ay naka-alerto dahil sa posibilidad na pagsasagawa ng nasabing bansa ng terror attack sa American soil.
Sa pagdiriwang kanina ng 70th founding anniversary ng ruling Worker’s Party, ipinamalas ng North Korea ang kanilang pwersa sa pamamagitan ng pagdi-display ng kanilang mga military hardwares.
Daan-daang mga tangke, mga armored vehicles, mga kanyon at fighter jets ang bumida sa parade ground ng Pyongyang habang masayang nanonood si North Korean Leader Kim Jong Un.
Sinabi ng Korean state media na KCNA na ang mga ipinakitang gamit pandigma ay pagbibigay ng warning sa U.S na hindi nila basta masisindak ang mga North Koreans.
Kahapon ay sinabi ng Pentagon na nakatanggap sila ng verified report na balak magsagawa ng pag-atake sa U.S ang North Korea gamit ang kanilang mga Inter-Continental Ballistic Missiles (ICBM).
Nakatutok rin ang U.S Intelligence sa mga pagawaan ng armas ng North Korean maliban pa sa kanilang Nuclear Depot na ayon sa pinaka-huling report ay kinakitaan ng mga “unnecessary movements”.
Pati ang South Korea ay nag-taas na rin ng alerto makaraan ang naging pahayag na kahandaan sa giyera ng kanilang katabing bansa na North Korea.