Mga tauhan ng BOC sa Tacloban inabswelto sa pagkabulok ng mahigit 900 na sako ng bigas

INQUIRER VISAYAS PHOTO | JOEY A. GABIETA

Inabswelto ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Isidro Lapeña ang kaniyang mga tauhan sa anomang pananagutan kaugnay sa saku-sakong mga bigas na natagpuang nabubulok na sa loob ng warehouse sa Tacloban City.

Ayon kay Lapeña, ginawa lang ng kaniyang mga tauhan ang proseso nang masabat ang nasabing mga bigas dahil sa kawalan ng sapat na dokumento.

Noong Miyerkules, ininspeksyon ni Lapeña ang 982 na sako ng bigas na nabulok na sa warehouse ng National Food Authority (NFA).

Matapos masabat noong 2013 inilagay muna ito sa NFA warehouse na nawasak naman ng Supertyphoon Yolanda noong November 2013.

Dahil dito, maging ang mga bigas ay napinsala din ng bagyo, kaya mismong ang consignee nito ang nagsabi sa BOC na hindi na nila kukunin ang shipment.

Isinailalim sa auction ng BOC ang mga bigas noong Apr. 3 at 4, 2014 pero walang nag-bid hanggang sa tuluyan na nga itong mabulok.

Ani Lapeña, tama ang naging pasya ng BOC sa Tacloban na itapon na ang bigas dahil idineklara na itong unfit for animal and human consumption.

Sa ngayong hinihintay na lang ng BOC ang otorisasyon mula sa Tacloban City government para malaman kung saan ibabaon ang 982 na sako ng bigas.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...