Paggamit sa Dengvaxia vaccine ititigil na ng DOH
Hindi na gagamitin ng Department of Health (DOH) ang Dengvaxia vaccine matapos ang panibagong abiso ng World Health Organization (WHO) na nagsasabing kailangan ang pre-screening bago maibigay ang bakuna sa isang pasyente.
Sa ngayon, suspendido lamang ang anti-dengue immunization program ng DOH gamit ang Dengvaxia matapos ang naging kontrobersiya.
Ayon kay Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo, ang nasabing ulat ng Strategic Advisory Group of Experts on Immunization ng DOH ay sumuporta sa pasya ng kagawaran na suspindihin ang kanilang dengue immunization program.
“It strengthens our position to stop the vaccination and that Dengvaxia should not be included in the mass immunization program. I don’t think it will change in one to two years,” ani Domingo.
Sinabi ni Domingo na dahil sa ulat ng WHO, maaring wala nang magaganap na vaccine program famit ang Dengvaxia sa mga susunod na taon.
Noong Huwebes, sinabi ng WHO na ang paggamit ng Dengvaxia ay dapat may kaakibat na pre-screening ng mga recipient nito para matukoy kung sila ba ay dati nang nagkaroon ng dengue virus.
Ito ay makaraang sabihin ng Sanofi Pasteur na ang Dengvaxia ay maaring magdulot ng severe dengue sa mga sero-negative patients o mga pasyente hindi pa nagkaka-dengue.
Sa ngayon sinabi ni Domingo na wala pang commercially available ng “test” na maaring magamit sa pag-screen sa sero-negative patients. Ibig sabihin, wala aniyang paraan sa ngayon para mai-pre-screen ang mga pasyente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.