Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang limang suspek na nakuhanan ng ilegal na droga at matataas na kalibre ng baril sa sinalakay na tatlong ektaryang fishpond sa Hagonoy, Bulacan.
Sa isinagawang press briefing sinabi ni NBI spokesman Ferdinand Lavin isa sa mga suspek na kinilalang si Antonio Lascano Dela Cruz Sr., ay isang ex-convict at miyembro dati ng Sigue-Sigue Sputnik Gang sa New Bilibid Prison.
Ang apat na iba pang mga naaresto ay sina Jeric Mariano Lascano, Gilbert Montemayor Bondoc, at Ralph Cruz Paule.
Ang pagsalakay ay isinagawa sa bisa ng search warrant na inilabas ng Manila Regional Trial Court (RTC).
Ang mga suspek ay nahuling nagpo-pot session sa isinagawang raid at tinangka pa ng apat sa kanila na tumakas.
Nang isailalim sa drug test, lahat sila ay nagpositibo sa methamphetamine hydrochloride.
Nakuhanan sila ng 11 sachets ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P400,000. May nakuha ring 13 armas mula sa mga suspek na kinabibilangan ng airgun na kinonvert bilang sniper rifle na mayroong scope at suppressor.
Sinampahan na ng reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act ang mga suspek.