Matapos ipahinto ng LTFRB ang paniningil ng Grab ng P2/min charge, P3.2B na ilegal na singil dapat isauli sa mga pasahero
Matapos ipahinto ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang paniningil ng Grab ng P2 per minute ay mas dapat na umanong isauli ng nasabing Transport Network Company (TNC) ang halagang ilegal na nasingil nila sa mga pasahero.
Ayon kay PBA Partylist Rep. Jericho Nograles, hindi sapat na suspendido lang ang paniningil sa nasabing halaga ng Grab bagkus, dapat ibalik nila sa publiko ang perang kanilang kinuha.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Nograles na umabot na sa P3.2 billion ang ilegal na nakulekta ng Grab sa mga pasahero nito.
Naniniwala din si Nograles na inosente ang mga operator at driver na accredited ng Grab kaya hindi pwedeng sabihin ng Grab Philippines na ang mga driver at operator ang dapat na magsauli ng pera dahil sila ang kumita.
Ayon sa mambabatas kahit pa totoong sa driver napunta ang P2 per minute, ang Grab pa rin ang naningil at sila ang nag-reformat ng kanilang pamamaraan ng pagsingil.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.