Iginiit ni Cayetano na inaasahan ng bansa na igagalang ng international community ang kapangyarihan ng bansa sa mga prayoridad at polisiya para sa kapakanan ng sambayanan.
Ipinahayag din ng kalihim ang pagkadismaya sa mga miyembro ng European Parliament na nagpagamit umano sa interes ng ilang grupo sa bansa at abroad para siraan ang Administrasyong Duterte.
Reaksyon ito ni Cayetano kasunod ng paghain ng resolusyon ng European Parliament bilang panawagan sa Pilipinas na itigil na ang gyera kontra droga na nagresulta umano sa pagkasawi ng 12,000 katao.
Ipinapanawagan din sa resolusyon ang pagpapalaya kay Senador Leila de Lima at pag-alis kay United Nations Special Rapporteur Victoria Tauli-Corpuz sa listahan ng mga indibidwal na may ugnayan sa Communist Party of the Philippines at New People’s Army.
Samantala, kinikilala naman ni Cayetano na ang pananaw ng mga myembro ng European Parliament ay hindi kumakatawan sa European Union.
Tiniyak naman ng kalihim na patuloy na lalahok sa diskusyon ang Pilipinas sa European Union sa mahahalagang usapin.