P1Billion budget ng pamahalaan kontra HIV/AIDS

hiv
Inquirer file

Tumatanginting na P1Billion ang ilalaang pondo ng pamahalaan para sa Human Immunodefiency Virus (HIV) at Acquired Immunue Deficiency Syndrome (AIDS) para sa taong 2016.

Base sa Health Briefer na ipinakita ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, P500Million ng nasabing pondo ay gagamitin para sa pagbili ng mga antiretroval drugs, P250Million ang inilaan para sa pambili ng mga health kits at reargents, P50Million naman para sa surveillance at ang natitirang P200Million ay gagamitin para sa local promotion programs laban sa nasabing sakit.

Ayon kay Recto, umaabot na sa kabuuang 35,000 ang HIV/AIDS infected sa bansa at naitala ang mabilis na pagtaas ng bilang na ito sa taong kasalukuyan.

Sa nasabing bilang ng mga infected persons, 44-percent ang mula sa Metro Manila na may bilang na 11,648. Noong nakalipas na buwan ng Hunyo naitala ang pinakamataas na bilang ng mga na-impeksyon na umabot sa 772.

Karamihan sa mga bagong nahawa sa nasabing sakit ay nasa pagitan ng edad na 15 hanggang 28 anyos ayon sa tala ng Health Department.

Ang mahigit sa isang Bilyong Pisong pondo para sa HIV at AIDS ay halos doble kumpara sa inilaang budget para dito sa taong 2015.

Sinabi ni Recto na kinakailangang seryosohin ng pamahalaan ang kampanya laban sa naturang sakit lalo’t ang ating bansa ay kabilang sa mga lugar na nasa litahan ng “fast-growing HIV epidemics” base sa record na hawak ng World Health Organization (WHO).

 

Read more...