Mga kandidato para sa 2016 elections pipirma sa “Integrity Pledge”
Bukod sa pipirmahang form para sa filing ng Certificate of Candidacy ay may lalagdaan ding “Integrity Pledge” ang mga tatakbo sa iba’t ibang posisyon sa 2016.
Ipinaliwanag ni Comelec spokesman James Jimenez na hindi lamang sa kamay ng mga botante nakasalalay ang resulta ng isang matinong eleksyon kundi maging sa gagawing uri ng pangangampanya ng mga kandidato.
Nakasaad sa kanilang “Integrity Pledge” ang pangako at pagtiyak na magiging maayos, katanggap-tanggap, tahimik at payapa ang susunod na eleksyon sa 2016. Sa Lunes October 12 ay magsisimula na ang filing ng Certificate of Candidacy ng mga kandidato na tatagal naman hanggang sa October 16 araw ng Biyernes.
Partikular na tinututukan ng Comelec ay ang mga local officials lalo na sa mga lugar na nauna nang idineklara bilang mga hot spots.
Sa pagsisimula ng filing sa lunes, sinabi ni Jimenez na sa pagkakataong ito magandang ipakita ang pagkaka-isa ng lahat mula sa hanay ng mga kandidato hanggang sa mga kandidato ng kanilang kahandaan para sa pagsusulong ng matinong halalan.
Simula sa Lunes ay magiging round-the-clock ang pagbabantay ng komisyon sa kalakaran ng filing ng COCs at regular silang magbibigay ng updates sa publiko sa tulong ng Media at ng kanilang mga social media accounts.
Lilimitahan din sa lunes ang pasok ng mga tao sa National Headquarters ng Comelec sa Intramuros sa Maynila para hindi magsisikan sa loob ng filing area.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.