Hindi paglalabas ng EO sa ‘endo’ ni Pangulong Duterte ikinadismaya ng Makabayan bloc
Nagpahayag ng pagkadismaya ang Makabayan bloc sa Kamara sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na ito magpapalabas ng executive order kontra sa ‘endo’.
Ayon sa Makabayan bloc, kinalimutan na ni Duterte ang kanyang pangako noong panahon ng kampanya na wawakasan ang kontraktwalisasyon at ang end-of-contract policy.
Sinabi ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao na ang hakbang ng pangulo na ipaubayan sa Kongresos ang pagtapos sa endo ay lalong magpapasama sa kalagayan ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor.
Ang bersyon anya ng Kamara at Senado sa ‘security of tenure bill’ ay lalo lamang magpapalakas sa kontraktwalisasyon at paglalaruan lamang ang karapatan ng mga manggagawa.
Para naman kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, pinasakay at pinaasa lang ng Malacanang ang mga manggagawa na wawakasan na ang endo.
Hindi na aniya siya nagulat dahil nangunguna sa pagpapatupad ng endo ang gobyerno para sa mga kawani nito.
Patunay lamang ayon kay Kabataan Rep. Sarah Elago na walang malasakit sa karapatan ng mga manggagawa ang pamahalaan dahil mas pinapaburan nito ang mga investors at mga kapitalista na umaabuso sa mga maliliit na manggagawa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.