“Nagulat nga ako dito eh. Of all people, bakit ako ang isinama?”
Yan ang naging tugon ni Health Sec. Francisco Duque III makaraang isama ang kanyang pangalan sa mga kinasuhan kaugnay sa kontrobersiyal na Dengvaxia vaccine.
Tinawag rin niyang malisyoso, walang basehan at kalokohan ang nasabing kaso.
Bukod kay Duque, kasama rin sa mga bagong kinasuhan ang mga executives ng Sanofi Pasteur na siyang tagagawa ng Dengvaxia, Zuellig Pharma na siyang distributor ng nasabing bakuna at ilan sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng DOH.
Dagdag pa ni Duque, “Wala akong kaalam-alam, wala naman akong pinirmahan. Nakakatawa nga dito, kasi si former Sec. Paulyn Ubial, hindi inimplead…saan ka ba naman nakakita na ‘yung katulad ni Ubial na siya ang nag-expand at siya ang nagpatuloy ng immunization to cover the community-based immunization?”
Ang reklamo sa Department of Justice ay isinampa ni Ariel Heida na siyang ama ng 13-anyos na si Abbie Hedia na namatay dahil sa umano’y septic attack.
Ikalima si Abbie sa listahan ng Public Attorney’s Office sa mga namatay na sinasabing nabakunahan ng Dengvaxia na ngayon ay umaabot na sa 46.