Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na hindi apektado ang paghahanda sa Barangay at SK elections ng kakulangan ng mga opisyal ng poll body.
Sa ngayon kasi, aapat lang ang nakaupong opisyal ng Comelec kabilang sina Acting Chairman Al Parreño at mga commissioners na sina Luie Tito Guia, Ma. Rowena Guanzon, at Sheriff Abas.
Pito dapat ang miyembro ng en banc ng Comelec na kinabibilangan ng isang chairman at anim na commissioners.
Pero hanggang sa ngayon hindi pa napapalitan at hindi pa nakapagtatalaga si Pangulong Duterte ng kapalit ng mga nagretiro at nagbitiw na opisyal.
Ayon kay Commissioner Guia, noong 2013 barangay elections, apat na commissioners lang din ang nangasiwa sa halalan.
Ani Guia, on track ang prepasyon para sa Barangay at SK elections sa Mayo at walang problema kahit aapat lang sila na commissioners.
“Comelec is assuring voters that the election prep is on track. #BSKE2018 is being managed and your Comelec now knows best. We will always work to gain the people’s trust,” ani Guia.
Ginawa ni Guia ang pahayag makaraang mag-tweet si dating Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal na nagsasaad ng pagkabahala sa kawalan ng Comelec chairman na dapat ay in-charge sa sa magaganap na eleksyon.
Ani Larrazabal, ilang araw na lang bago ang May 14 elections, walang inilalabas na resolusyon ang Comelec en banc sa pagtatalaga ng commissioner in charge sa mga aspeto ng preparasyon gaya ng printing, shipping at iba pa.
Dapat din aniyang mayroong resolusyon ang Comelec na nagtatalaga ng commissioner na in charge sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas para tiyakin ang maayos na takbo ng halalan.