Ilang beses nang inihayag ni Davao City Rodrigo Duterte na hindi siya tatakbo sa susunod na halalan at magpapahinga na siya sa pulitika pero hindi pa rin siya tinantanan ng kanyang mga taga-suporta.
Kagabi sa isang simpleng pahayag ay nabuhayan ng loob ang kanyang mga supporters nang sabihin ni Duterte na kapag nagpakita siya sa tanggapan ng Comelec sa susunod na linggo ay kakandidato siya sa halalan.
Nilinaw ni Duterte na October 15 ang kanyang ibinigay na deadline sa kanyang sarili para magdesisyon sa kung ano ba talaga ang kanyang gagawin sa mga susunod na panahon.
Magsisimula sa Lunes, October 12 hanggang Biyernes October 16 ang filing ng Certificate of Candidacy para sa mga tatakbo sa 2016 Elections.
Kapwa na naman naghihintay sa desisyon ni Duterte sina Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos at Alan Peter Cayetano na naunang nagpahayag na handa silang maging ka-tandem ng Alkalde sakaling tumakbo ito bilang pangulo.
Bagaman ilang beses na niyang sinabi na hindi siya tatakbo bilang Pangulo, hindi naman nanahimik ang kanyang mga taga-suporta at lalo pa nilang pinag-igting ang paghikayat kay Duterte na baguhin nito ang kanyang naunang desisyon.