Kandidatura ni suspended Makati City Mayor Binay tuloy
Tuloy ang pagtakbo ni suspended Makati City Mayor Junjun Binay bilang alkalde ng lungsod sa susunod na taon sa kabila ng desisyon ng Ombudsman na tuluyang nagbabawal kay Binay na tumakbo sa alinmang posisyon sa gobyerno.
Sinabi ni Vice-President Jejomar Binay na hindi pinal ang kautusan ni Ombudsman Concita Carpio Morales na nauna nang nagsabi na guilty si Binay sa mga kaso ng katiwalian at pagsa-samantala sa pondo ng gobyerno kaugnay sa ma-anomalyang pagtatayo ng P2.28Billion Makati City Hall Building II.
Sinabi pa ni Binay na malinaw na nakikipag-sabwatan ang Ombudsman sa pamahalaan para gipitin ang kanyang pamilya pati na rin ang kanyang kandidatura sa 2016 presidential race.
Kung sakaling hindi maaaprubahan ang kanilang apela, ipinaliwanag ni Binay na mayroon silang hanggang December 10 para sa tinatawag na “substitution” at kung matutuloy ito si Makati Rep. Abigail Binay ang siyang tatakbo bilang Mayor ng Makati City.
Idinagdag pa ni Binay na simula pa lamang ang nasabing mga kaso na isasampa sa kanila at ito ay matagal na nilang inaasahan.
Sa huli sinabi ng Pangalawang Pangulo na handa siyang harapin ang mga ipinupukol na bintang laban sa kanya at sa kanyang Pamilya at ang mga ganitong panggi-gipit daw ang siyang nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob para lalo pang pag-butihin ang pagpapakilala ng sarili sa publiko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.