Pinaghahandaan na ang pamahalaan ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kuwait sa buwan ng Mayo para sa paglagda ng kasunduan sa pagbibigay ng proteksyon sa mga OFW.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Allan Peter Cayetano, hindi na kakayanin ngayong buwan ang pagtungo sa Kuwait dahil sa schedule ng pangulo kaya sa Mayo na ito maaring mangyari.
Nauna rito, inihayag ng pangulo na nais niya na kasama sa lalagdaang Memorandum of Understanding na kailangang hawak ng mga OFW ang kanilang mga pasaporte; magkaroon ng pitong oras na tulog at ang kontrata ay alinsunod sa batas ng Pilipinas.
Bukod dito, hiniling ng gobyerno ng Pilipinas sa Kuwait government na pauwiin ang nasa 1,000 Pinoy na tumutuloy sa mga shelters doon at ang pagsagip sa nasa 200 pang nasa kanilang mga amo.
Ang pagbuo sa MOU ay bunsod ng kinahinatnan ng pinay OFW na si Joanna Demafelis na natagpuan sa loob ng freezer na nagresulta para magpataw ng deployment ban ang Pilipinas sa Kuwait.
Sa ngayon, umiiral pa rin ang total ban sa pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait dahil sa mga nangyayaring pang-aabuso sa mga ito ng kanilang mga amo.