Mosque at iba pang religious structures, hindi pakikialaman ng gobyerno sa rehabilitasyon ng Marawi City
Pinabulaanan ni Task Force Bangon Marawi chairman Eduardo del Rosario ang ulat na gigibain ang mga mosque, kabilang ang Grand Mosque na sinira ng limang buwang bakbakan sa Marawi City.
Ayon kay Del Rosario, ang ginagawa ng gobyerno ngayon ay tumulong sa paghahanap ng foreign donors para sa rehabilitasyon ng mosques o masjid.
Sa kanilang pagtaya, bilyun-bilyong piso ang kakailanganin para sa rehabilitasyon ng 17 masjid sa lungsod.
Sa usapin naman ng paggiba sa mga istruktura, partikular na sa ground zero, sinabi ni Del Rosario na kakailanganin talagang gibain ang mga nasira ng bakbakan, lalo na ang mga establisyimyentong bumigay na.
Gagawin ito para maisaayos ang mga kalsada, magkaroon ng underground facilities, gaya ng para sa tubig, at telecommunications.
Ani Del Rosario, aabot sa 3 milyong tonelada ng debris ang kailangan nilang linisin sa lungsod. At posible pa aniya itong umakyat sa 15 million tons.
Sa gitna nito, kumpyansa ang opisyal na matatapos nila ang rehabilitasyon sa Marawi City sa loob ng tatlong taon kung masusunod ang kanilang inilatag na timeline. Target ng gobyerno na matapos ito sa last quarter ng 2021.
Isasagawa naman ang groundreaking sa rehablitasyon ng Marawi City sa June 7.
Sinabi ni Del Rosario na sa ngayon, patuloy ang kanilang negosasyon at konsultasyon sa stakeholders ng lungsod.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.