Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Mogato, karamihan aniya sa mga nabibigyang pagkilala sa Pulitzer ay mga storya na may kinalaman o nangyari sa Amerika, kaya “totally unexpected” na mabigyang pagkilala siya at dalawa pa niyang kasamahan sa kanilang ulat tungkol sa war on drugs ng Duterte administration.
Sinabi ni Mogato na itinuturing nila itong magandang bunga ng kanilang paghihirap nang gawin nila ang nasabing serye ng ulat sa war on drugs.
Kabilang sa hinarap ni Mogato ang galit at pamba-bash sa kaniya sa social media ng mga supporters ni Pangulong Duterte.
Aniya pawang online attacks naman ang kaniyang tinanggap at hindi naman umabot sa puntong nakatanggap siya physical threats at hindi rin siya nakakuha ng pag-atake mula mismo sa pangulo.
Mensahe naman ni Mogato sa mga kapwa niya mamamahayag, patuloy na panghawakan at ipaglaban ang katotohanan.
“Sana tayong mga mamamahayag hawakan natin ang katotoohanan, ipaglaban, huwag biatawan, sa totoo lang tayo. Ang trabaho ng journalist ay magreport batay sa facts, walang opinyon, kung ano ang nakikita, iyon ang ilahad, masaktan na yung tatamaan, pero iyon ang totoo,” ayon pa kay Mogato.