Matapos ang pagtaboy sa black men sa Philadelphia, mga empleyado ng Starbucks sa US, isasailalim sa racial-bias training

AP Photo

Isasara ng isang araw ang nasa 8,000 branch ng Starbucks sa Estados Unidos para mabigyang pagkakataon ang pagsasailalim sa training ng lahat ng kanilang mga empleyado.

Sa May 29, isasailalim sa racial-bias training ang lahat ng empleyado ng Starbucks sa US, matapos silang ulanin ng batikos dahil sa pagtaboy at pagpapa-aresto sa dalawang black men na naghihintay ng kanilang kaibigan sa branch ng naturang coffee shop sa Philadelphia.

Sa kumalat na video, makikitang inaaresto ng mga pulis ang dalawa matapos na tumawag sa mga otoridad ang store manager ng Starbucks.

Ayon sa statement ni Starbucks CEO Kevin Johnson, tinatayang nasa 175,000 na manggagawa nila sa US ang sasailalim sa racial-bias training.

Sinabi ni Johnson na tanggap nila na nagkaroon ng pagkakamali at pagkukulang kaya dapat gumawa ng hakbang para ito ay maisaayos at hindi na muling mangyari.

Pawang mga eksperto ang iimbitahan para magsagawa ng training sa mga empleyado.

Noong Huwebes, pumasok sa Starbucks ang dalawang lalaki para gumamit ng CR, pero sinabihan sila ng empleyado na para lamang ito sa mga paying customer. Nang makapasok sa loob ay umupo sa store ang dalawa nang walang inoorder.

Doon na tumawag ng pulis ang manager at ipinaaresto ang dalawa sa kasong trespassing.

Humingi na ng paumanhin ang pamunuan ng Starbucks sa dalawang lalaki.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...