Lumobo na ang kaso ng nagkaroon ng sakit na tigdas sa unang quarter ng taong 2018.
Ayon sa Department of Health, nakapagtala sila ng 2, 427 na nagkaroon ng tigdas simula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon na mas mataas ng 294 percent kumpara sa 616 na kaso noong nakalipas na taon sa kaparehong buwan.
Sa nasabing bilang, walo na ang naitalang namatay mula sa Davao Region.
Pinakamarami namang nagkaroon ng sakit na tigdas na umabot ng 122 ang Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Nauna rito, nagdeklara na measles outbreak ang kagawaran sa ilang lungsod at bayan sa Negros Oriental, isang barangay sa Taguig, Zamboanga City at Davao City.
Kaugnay nito, nagpalabas na ng health alert status ang US Embassy sa mga kababayan nila sa Pilipinas kung saan pinatitiyak sa kanilang mga citizen na maturukan ng bakuna kontra tigdas.
Pinaiiwas din nito ang kanilang citizen sa mga taong may sakit at hinikayat ang mga ito na basahin ang artikulong Measles in the Philippines sa webpage ng Center for Disease Control.