Walang abiso sa Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang dagdag na dalawang piso kada minuto na singil ng Grab.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni LTFRB chairman Martin Delgra na iniinbestigahan nila ito dahil walang sinabi sa kanila ang Grab ukol sa naturang dagdag singil.
Sa ngayon ay wala pang desisyon na sumobra sa singil ang Grab dahil patuloy pa ang hearing ng LTFRB.
Gayunman, may mga opsyon ang ahensya sa pagdesisyon sa kaso ng Grab gaya ng suspensyon ng operasyon nito at ang refund sa mga pasahero ng sobrang singil.
Muling nagtakda ang LTFRB ng hearing sa May 29 para sabay na dinggin ang petisyon ng Grab na fare hike o dagdag singil at ang isyu ng umano’y overcharging na dalawang piso kada minuto.
Samantala, sinabi ni Delgra na mayroong apat na aplikasyon ng bagong players na nakabinbin sa ahensya.
Inutos na ni Delgra na madaliin ang paglabas ng certificate of accreditation para madagdagan ang bumibyaheng app-based transport service vehicles (TNVs) bukod sa Grab.
Tumatanggap na rin ang LTFRB ng aplikasyon para sa prangkisa ng hanggang 65,000 na partner drivers sa Metro Manila.
Paliwanang ni Delgra, hindi naman lalong makakasikip sa daloy ng trapiko ang dagdag na mga TNVs dahil ang katotohanan ay mas kaunti lamang ang demand kumpara sa dami ng kanilang drivers sa kanilang data base, bukod pa ito sa konseptong ride sharing ang katulad ng grab.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.