Dalawang Chinese military transport planes ang nakuhanan ng larawan na nasa Panganiban Reef na sakop ng Pilipinas.
Sa larawan na nakuha ng Inquirer, makikita ang dalawang Xian Y-7 military transport aircraft sa Panganiban Reef na nagpapakita ng pagpapalakas ng militarisasyon ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa South China Sea.
Ito ang unang pagkakataon na namataan ang presensya ng nasabing uri ng aircraft sa teritoryo ng Pilipinas.
Sa surveillance images na kuha noong January 6, magkahiwalay ang puwesto ng dalawang military transport planes malapit sa runway 21 ng Panganiban Reef.
Ang Panganiban Reef o mas kilala sa tawag na Mischief Reef ay nasa loob ng teritoryo ng bansa at matatagpuan sa 370-kilometer exclusive economic zone sa South China Sea o West Philippine Sea.
Hindi naman mabatid kung ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng military plane ng China sa lugar gayundin kung gaano ito katagal doon.
Tumanggi namang magkomento sa larawan ang Armed Forces of the Philippines habang hindi naman sumasagot sa mga tanaong ang Chinese Embassy sa Pilipinas kaugnay rito.