Ipinatawag na ng Department of Justice ang mga opisyal ng website na Rappler upang sagutin ang P133-million tax evasion complaint na inihain laban dito ng Bureau of Internal Revenue.
Base sa subpoena na pirmado ni Assistant State Prosecutor Zenamar Machacon-Caparros, pinasisipot nito sa pagdinig sa DOJ prosecutor si Rappler President Maria Ressa at Treasurer James Bitanga.
Itinakda ang preliminary investigation sa reklamo sa April 24 at May 7 ganap na alas onse ng umaga sa tanggapan ng DOJ sa Manila.
Bukod dito, pinagsusumite rin ang dalawa ng kanilang counter-affidavit.
Nakasaad sa subpoena na kapag nabigo ang mga ito na sumunod ay ikukunsidera itong waiver na magharap ng kanilang depensa at pagpapasyahan ang reklamo base sa mga ebidensya na nasa kamay ng piskalya.
Sa reklamo ng BIR, bumili ng common shares ang RHC sa Rappler Inc sa halagang P19, 245,975.00 kasunod nito ay nagpalabas ito ng Philippine Depositary Receipts o PDRs sa dalawang foreign firms sa halagang P181, 658,758.67.
Sinabi ng BIR na dapat magbayad ng income tax at VAT ang RHC dahil sa transaksyon.
Hindi rin nakalagay sa record ng ITR at VAT returns noong 2015 ang PDR transactions ng mga ito.