Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Food Authority (NFA) na dagdagan ang buffer stock ng bigas at gawin itong pang 60-araw mula sa kasalukuyang 15-araw lamang.
Ang utos ay ginawa ng pangulo sa pulong na naganap sa Malakanyang Lunes ng gabi sa mga miyembro ng reorganised na National Food Authority (NFA) Council at mga rice trader.
Ayon kay Department of Agriculture Sec. Manny Piñol, partikular na inatasan ng pangulo si Finance Secretary Carlos Dominguez na tumulong para mapondohan ang local rice procurement program ng NFA.
Nais ng pangulo na bumili ang NFA ng bigas mula sa Filipino farmers. At kung hindi ito sasapat para magkaroon ng maraming stocks ay saka lamang mag-angkat ng bigas.
Inatasan din ng pangulo ang NFA na itaas ang buying price nito ng local palay at sinabing ayaw na niyang maulit ang pagbagsak ng buffer stocks ng NFA na nagresulta sa pagtaas ng presyo ng commercial rice sa mga pamilihan.