Aabot sa $700,000 na halaga ng mga peleng make up ang nasabat mula sa mga nagtitinda sa fashion district sa Los Angeles sa California.
Napatunayan sa isinagawang pagsusuri sa mga nasabat na produkto na ang mga ito ay positibo sa bacteria at lead.
Ayon sa mga otoridad, sinimulan nila ang imbestigasyon sa mga nagtitinda sa lugar makaraang makatanggap ng reklamo mula sa ilang customer na nagsabing sila ay nagka-rashes at nakaranas ng iba pang problema sa balat matapos gamitin ang nabili nilang mascara, lipstick at eye shadow.
Kabilang sa mga kinumpiskang produkto ay mga pekeng Urban Decay, MAC, Kylie Cosmetics by Kylie Jenner, at iba pa.
Dalawampu’t isang lugar ang sinalakay sa ginawang operasyon na nagresulta sa pagkakasabat ng maraming produkto.
Binalaan naman ng mga otoridad ang publiko na huwag palilinlang sa mga pekeng produkto.
Kung masyado umanong mababa ang halaga nito ay dapat na itong pagdudahan.