Mga tauhan ng Cebu Pacific hindi sangkot sa panibagong insidente ng pagnanakaw sa bagahe sa NAIA
Agad inimbestigahan ng Cebu Pacific ang napaulat na baggage pilferage sa isa nilang pasahero.
Ayon kay Charo Logarta-Lagamon, ang tagapagsalita ng Cebu Pacific, base sa CCTV footages, body cameras at pahayag ng kanilang ground staff walang nakitang indikasyon na pinakialamanan ang bagahe ng babaeng pasahero.
Sinabi pa nito na isusumite nila sa pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga nakuha nilang ebidensiya at testimoniya kalakip ng kanilang final report ukol sa pangyayari.
Naging viral ang video ng pagiging hysterical ng babaeng pasahero sa NAIA nang madiskubre nito na bukas na ang kanyang maleta.
Mapapanood na nagsisisigaw ito at paikot-ikot habang naghahanap ng tao na makakausap.
Ang pasahero ay galing ng London sakay ng ibang eroplano ay sumakay ito ng CebuPac sa Hong Kong pauwi ng Pilipinas.
Sinabi pa ni Lagamon na nakipag-ugnayan na rin sila sa ground handlers sa Hong Kong International Airport para ma-trace kung saan dumaan ang bagahe ng pasahero.
Ibinahagi din nito na nang ilagay sa carousel sa NAIA ang maleta ay nakita pa na naka-lock ang zipper nito.
Sinabi pa ni Lagamon na pinasalamatan pa sila ng pasahero sa mga hakbangin nila na matukoy ang ugat ng pagkakabukas ng kanyang maleta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.