Patay ang isang hindi pa nakikilalang babae matapos na tumalon sa ikaapat na palapag ng SM North Edsa Annex Building kaninang alas-dose ng tanghali.
Sinabi ni Quezon City Police District Station 2 Commander PSupt. Lito Mantala na bago ang insidente bumili muna ng monobloc chair sa isang hardware sa loob ng mall ang biktima at iyon ang ginamit na tungtungan para makatawid sa barriersa 4th floor at tuluyan ng mahulog sa lower ground floor.
Lumalabas din sa imbestigasyon ng QCPD Station 2 na posibleng problema sa pamilya ang dahilan ng pagtalon ng biktima dahil sinasabi ng mga saksi na kasama daw ng nito ang kanyang mag-ama.
Tuloy-tuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente para matiyak kung suicide o aksidente ang nasabing pangyayari.
Nahulog ang babae sa isang stall pero wala naman nadamay sa insidente.
Nagulat naman ang tindera sa pinagbagsakan ng biktima at inaming nabigla siya at hindi kaagad nakagalaw makaraang bumagsak malapit sa kanyang paanan ang biktima.
Kamakailan lamang ay isang lalaki rin ang namatay sa loob ng nasabing mall makaraan itong saksakin ng isang computer technician nang kunin na niya ang ipinagawang laptop computer.