Hindi inasahan ng Commission on Elections (Comelec) na dadagsain ang unang araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa May 2018 Barangay and Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Sa pagsisimula ng filing schedule ay umabot sa mahigit 17,000 ang naghain ng kanilang COC ayon sa Comelec.
Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, sa naturang bilang ay 13,982 ang nailista para sa barangay elections habang 3,499 naman para sa SK.
Sa kabuuang bilang ng barangay candidates, 1,986 ang tumatakbo sa pagka-chairman habang 11,996 ang nagnanais makakuha ng pwesto sa kagawad level.
9,856 sa bilang sa mga kandidato para sa mga posisyon sa baranggay ay mga lalaki habang 4,126 naman ay mga babae.
Samantala, para naman sa SK elections, 845 ang naghain ng COC para sa SK Chairmanship habang 2,654 naman ang para sa kagawad.
Mas marami rin ang bilang ng mga lalaking kandidato sa SK na umabot sa 2,046 habang ang babae ay 1,453.
Ayon kay Jimenez, hindi nila inasahan ang bilang na ito dahil sa tradisyon na mas maraming naghahain ng kanilang COC sa huling araw ng filing.