Pagsusuri sa mga magsasaka na makikinabang kapag isinailalim sa land reform area ang Boracay, sinimulan na
Sinisimulan na ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang pagsusuri sa mga magsasaka na maaring makinabang kapag tuluyan nang isinailalim sa land reform area ang Boracay island.
Ito ay matapos ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na isasailalim niya sa land reform ang isang 1,032 ektaryang isla ng Boracay kapag natapos na ang anim na buwnag rehabilitasyon na magsisimula sa Abril 26.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Agrarian Reform Secretary John Castriciones na may ginagawa nang pag-aaral ngayon ang mga regional directors para maiayos ang listahan.
Sinabi pa ni Castriciones na uumpisahan na ng kanilang hanay ang identification at inventory ng mga magsasaka.
Gayunman, aminado si Castriciones na hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na kopya ng proklamasyon o marching order mula kay Duterte.
Tiniyak naman ni Castriciones na maglalatag ng safeguard ang kanilang hanay na ang totoong mga magsasaka ang makikinabang sa isla at hindi maibebenta sa mga negosyante kapag napagkalooban na ng land title.
Base sa Presidential Proclamation 1064 na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, isang government-owned land ang Boracay island.
Tinatayang nasa 400 hectares ang forest land habang nasa 680 hectares naman ang agricultural land na alienable at disposable.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.