Mga palaboy, muling itatago ng DSWD sa panahon ng APEC Summit sa Maynila
Nagbabala si Kabataan Paty List Rep. Terry Ridon sa plano ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na itago muli ang mga palaboy sa mga resort habang ginaganap ang APEC Summit sa Maynila sa Nobyembre.
Sa plenary interpellation para sa 2016 proposed budget ng DSWD, inungkat ni Ridon ang tinawag niyang “vanishing act” ng ahensya.
Gayunman, hindi makapagbigay ng commitment ang DSWD kung ititigil na nito ang pagdaraos ng tinatawag nilang “outings” dahil sa kasalukuyan ay tuloy-tuloy pa rin ang implementasyon ng Modified Conditional Cash Transfer Program o MCCTP.
Ang naturang programa umano ay bahagi ng Conditional Cash Transfer Program, kung saan maituturing na mga benepisyaryo ang mga palaboy at mahihirap na pamilya.
Nilinaw naman ng sponsor ng DSWD na si Rep. Maria Carmen Zamora na hindi nahinto ang mga aktibidad para sa homeless families, sa kabila ng kontrobersiya sa pagdalaw noon ni Pope Francis noong January 2015.
Magugunitang kinuha ng DSWD ang nasa isang daang katao sa Roxas Boulevard at dinala sa Chateau Royal sa Batangas, bago ang limang araw na apostolic visit ng Santo Papa.
Aabot sa 104. 2 Billlion pesos ang hinihinging budget ng DSWD sa kongreso para sa susunod na taon, kung saan 62.6 Billion pesos ang ilalaan sa CCT Program.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.