150 nurses, itatalaga ng DOH para tutukan ang Dengvaxia cases
Magtatalaga ng 150 nurses ang Department of Health (DOH) sa Central Luzon, Calabarzon, Metro Manila at Central Visayas para tutukan ang kondisyon ng mga batang naturukan ng kontrobersyal na Dengvaxia.
Ayon kay Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo, aprubado ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga itatalagang nurse sa apat na rehiyon.
Kabilang aniya ang 150 sa 500 nurses na kabuuang deployment sa bansa.
Ang nalalabing 350 nurses ay itatalaga naman oras na aprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang hiling ng kagawaran na gamitin ang naibalik na P1.16 bilyon ng Sanofi Pasteur sa gobyerno.
Sa tala ng DOH, mahigit 837,000 bata ang nakatanggap ng naturang bakuna mula nang simulan ang anti-dengue immunization program noong April 2016 hanggang December 2017.
Sa ngayon, 65 na sa nabanggit na bilang ang namatay matapos maturukan nito.
Aabot naman sa P22 milyon ang inilabas na pondo ng kagawaran para magsilbing medical assistance sa 3,281 bata.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.