LPA sa labas ng PAR, hindi inaasahang maging bagyo – PAGASA

Walang namamataang sama ng panahon sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa kasalukuyan.

Bagaman may Low Pressure Area (LPA) sa labas ng PAR na minomonitor ang PAGASA, hindi inaasahan na magiging bagyo ito sa susunod na dalawa o tatlong araw.

Sa pinakahuling pagtaya ng weather bureau ay namataan ito sa layong 1,540 kilometers sa Silangan ng Mindanao.

Patuloy naman ang pag-iral ng easterlies sa malaking bahagi ng bansa na magdadala ng maalinsangang panahon ngayong araw.

Makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan ang Caraga at Davao Region bunsod ng easterlies.

Sa nalalabing bahagi naman ng bansa ay bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan ang mararanasan maliban sa isolated thunderstorms sa hapon o sa gabi.

Pinakamataas ang temperaturang mararanasan sa Tuguegarao City na inaasahang papalo sa 37 degrees Celsius.

Kahapon, naitala ang pinakamataas na temperatura sa buong bansa sa Tuguegarao at Subic na umabot sa 38 degrees Celsius at sinundan ng Cotabato sa 37 degrees Celsius.

Read more...