Pormal nang inanunsyo ni Vice President Jejomar Binay ang tambalan nila ni Senator Gringo Honasan para sa 2016 elections.
Sa isinagawang paglulunsad sa United Nationalist Alliance sa Cebu, binanggit ng bise presidente sa kaniyang talumpati ang tambalang BinGo. “UNA na, Bingo pa,” ayon kay Binay.
Nakita din sa entablado ang naglalakihang larawan nina Binay at Honasan. Gayunman, wala sa nasabing pagtitipon si Honasan.
Maliban kay Binay, nagsalita rin sa nasabing pagtitipon sina Alma Moreno at Princess Jacel Kriam na nauna nang sinabi ng UNA na bahagi ng kanilang senatorial slate.
Namahagi din ang mga supporters ni Binay ng mga flyers kung saan pinapabulaanan ang mga alegasyon ng korapsyon laban sa bise presidente.
Sa nasabing flyers, sinasagot ang mga akusasyon laban kay Binay sa isinasagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Sub-committee.
Dumalo din sa pagtitipon ng UNA sina dating Senator John Osmeña at Cebu City Mayor Mike Rama.