Wang Bo, 8 taon ng labas -masok sa bansa

Bureau of ImmigrationWalong taon nang labas-masok ng Pilipinas ang tinaguriang “Crime Lord” na si Wang Bo.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Bureau of Immigration (BI) Associate Commissioner Abdullah Mangotara na sa simula pa lamang ay hindi na dapat nakapasok ng bansa si Wang Bo dahil ito ay blacklisted.

Gayunman, nang dumating aniya ng Pilipinas si Wang Bo at kinuwestyon siya ng mga immigration personnel sa airport dahil pagiging blacklisted, ay nagdesisyon aniya si BI Commissioner Seigfred Mison na papasukin ito ng bansa.

“Labas-masok na si Wang Bo for more than 8 years dito sa Pilipinas. Nag-isyu kami ng blacklist order laban sa kaniya, so nung pumasok ulit siya ng Pilipinas, dapat inexclude na siya dahil may blacklist.

Nung dumating siya ng Pilipinas he was ordered excluded, but ang naging pasya ng Commissioner is to admit him and file a case against him,” sinabi ni Mangotara.

Sinabi ni Mangotara na nagtaka na siya noon sa naging pasya ni Mison na patuluyin sa Pilipinas si Wang Bo sa kabila ng pagiging blacklisted nito at saka sampahan ng kaso.

Ayon kay Mangotara, hindi na sana namrublema ang pamahalaan kay Wang Bo kung sa umpisa pa lamang ay hindi na ito pinapasok ng bansa at pinabalik na lamang sa pinanggalingan niyang bansa noon.

“Ang sabi ko nga, naka-blacklist siya, bakit pa tinanggap siya dito at tayo pa namrublema? Papakainin pa natin iyan sa kulungan. Bakit pa tayo kumuha ng problema? Kakasuhan pa lilitisan pa
samantalang at that very time, he should be excluded at pinabalik sa kaniyang point of origin which is Malaysia,” dagdag pa ni Mangotara.

Samantala, nanindigan si Mangotara na wala siyang suhol na tinanggap sa pagpirma niya sa kautusang nagbabawi sa deportation order laban kay Wang Bo. Nanumpa pa ito sa Holy Quran na Holy Book ng mga Muslim.

“Isusumpa ko sa Holy Quran namin, hindi ako nakipagkita kanino man to make indecent proposal about the release of Wang Bo,” ayon kay Mangotara./ Dona Dominguez-Cargullo

Read more...