Muling binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Chief Justice Maria Lourdes Sereno kung saan sinabi nitong ignorante at bobo ang punong mahistrado.
Sa pulong balitaan sa Davao International Airport matapos ang kanyang pagbisita sa Hong Kong, inupakan ng pangulo si Sereno sa naging tanong nito kung bakit si Solictor General Jose Calida ang naghain ng quo warranto petition laban sa kanya at ginagamit ang pondo ng gobyerno.
Matatandang ipinanawagan ng pangulo noong Lunes sa Mababang Kapulungan ang mas mabilis na pagpapatalsik kay Sereno sa pwesto.
Sinabi ni Duterte na kaya niya kinastigo si Sereno sa publiko ay dahil sa pagiging ignorante nito.
“Alam mo kung bakit I castigated you in public? Ignorante ka e,” ani Duterte.
Dito inalala ng pangulo ang naging kautusan ni Sereno sa mga hukom na nasa drug list ni Duterte na huwag sumuko ng walang ‘warrant of arrest’.
Sinabi ng pangulo na walang alam o bobo si Sereno at iginiit na pinapayagan ng batas ang warrantless arrest.
“So sabi ko, ‘torpe ka.’ That’s why you shouldn’t be there. For a chief justice, hindi mo alam yan? Bakit ka magbigay ng salita na ganoon? Kaya nagalit ako sa iyo kasi even an ordinary flunker of law alam yan na there are instances where the military and police and persons in authority and civilians for that matter na walang connection sa gobyerno can make arrest, citizen’s arrest,” dagdag pa ng pangulo.
Anya, dapat ay noon pa ay pinaalis na sa pwesto si Sereno dahil sa kawalan nito ng alam sa batas.
“Dapat paalisin ka noon pa. Bobo ka,” paggigiit ng pangulo.
Samantala, nilinaw naman ni Duterte na ang kanyang apela noong Lunes ay para lamang sa kanyang mga kapartido at hindi mismong sa Kongreso.
Wala anya siyang karapatang utusan ang Senado at sinabing ang magiging kahihinatnan ni Sereno ay nasa kamay pa rin ng Korte Suprema na kakatapos pa lamang isagawa ang oral arguments sa isinampang quo warranto petition laban sa kanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.