Kinondena ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang missile attack ng Yemeni rebel group Houthi Shiite laban sa Saudi Arabia kung saan 400,000 na mga Pilipino ang naninirahan.
Ayon kay DFA Sec. Alan Peter Cayetano, dahil sa pag-atake ay nalagay sa panganib ang mga sibilyan gayundin ang libo libong mga Pinoy at ibang dayuhan na nakatira at nagtatrabaho sa Saudi Arabia.
Sinabi ni Cayetano sa Hong Kong, kung saan bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte, na nakikiisa ang Pilipinas sa Saudi Arabia sa pagkondena sa pinakabagong missile attacks sa bansa.
Iniulat ng Philippine Embassy sa Riyadh na naharang ng security forces ng Saudi Arabia ang ballistic missile na target ang mga pasilidad sa Ministry of Defense.
Sinabi naman ni Cayetano na walang ulat na may Pinoy na namatay o nadamay sa pag-atake pero inalerto ng Embahada ang Filipino community at pinayuhan silang maging kalmado at alerto.