Kinuwestiyon ng Liberal Party (LP) ang timing nang pagpapalabas ni Senador Richard Gordon ng kanyang chairman’s report ukol sa Dengvaxia scandal na nagdidiin kay dating Pangulong Noynoy Aquino at dalawa sa miyembro ng kanyang gabinete.
Nagdududa ang opposition party na ang ulat ay inilabas para pagtakpan ang mga isyu na kinasasangkutan ng administrasyong-Duterte.
Ayon kay dating Rep. Erin Tanada, Vice President for External Affairs ng LP, kinukuwestiyon nila ang pagsasa-publiko ni Gordon ng report gayung hindi pa ito nababasa ng mga miyembro ng blue ribbon at health committees ng Senado.
Kaduda-duda aniya na ito ay itinaon sa pagpapasara ng Boracay, ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kamara na bilisan ang pag-impeach kay Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno at ang pagsirit ng mga presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Sinabi naman ni Sen. Bam Aquino magkaka-isyu kung lalabas na ang ulat ni Gordon ang siya na rin magiging final report dahil tila nabahiran na ito ng politika.
Iginiit na rin nito na hindi pa rin nabanggit sa ulat ni Gordon na may napatunayan ng bata na namatay dahil sa Dengvaxia.
Sa 20-pahinang ulat na ibinahagi ni Gordon, kapansin-pansin ang pagdidiin at paninisi sa dating pangulo at aniya dapat na kasuhan si Aquino maging sina dating Budget Sec. Butch Abad at dating Health Sec. Janette Garin.