Pulis arestado matapos ireklamo ng pangha-harass sa Maynila

Arestado ang isang pulis na inireklamo ng isang babae ng pangha-harass sa isang condominium sa Malate, Maynila.

Ayon kay Manila Police District (MPD) Station 9 Commander Superintendent Eufronio Obong, itinawag sa pulisya ng isang tenant ng Pacific Regency Condominium ang umano’y pangha-harass ng isang lalaki.

Kinilala ang suspek na si Senior Supt. Enrique Ancheta na nakatalaga sa Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory sa Camp Crame.

Ayon kay “Meg,” sinugod siya ni Ancheta at sapilitang pinalabas sa kanyang unit para lagdaan ang isang dokumento.

Pinagbibintangan umano ng suspek na pulis ang dalawang kaibigan ni “Meg” na nagnakaw umano ng higit P60,000 cash sa dalawang Korean nationals na kanilang nakilala sa isang KTV bar.

Ayon kay Ancheta, papipirmahin niya ang biktima sa affidavit para patotohanan ang pagnanakaw umano nina alyas “Heart” at alyas “Karen.”

Iginiit ni Ancheta na nagmagandang-loob lamang siya para mahuli ang nagnakaw sa pera ng dalawang Koreano.

Gayunman, ayon kay Obong, nilabag ng pulis na suspek ang Police Operational Procedure dahil hindi siya nakipag-ugnayan sa MPD Station 9 na may sakop sa lugar.

Nakakulong si Ancheta sa MPD station 9 habang inhahanda ang kasong isasampa sa kanya.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...