Dating Pangulong Aquino, Abad at Garin dapat makasuhan sa Dengvaxia controversy – senate committee report
Dapat managot sa kasong kriminal sina dating Pangulong Benigno Aquino II at dalawang dating miyembro ng kaniyang gabinete na sina dating Budget Secretary Florencio Abad at dating Health Secretary Janette Garin kaugnay sa Dengvaxia controversy.
Ito ang nilalaman ng draft ng committee report ng Senate blue ribbon committee na inilabas sa media ni Senator Richard Gordon, chairman ng komite.
Nakasaad sa report na responsable si Aquino dahil pinayagan niya ang pagbili ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia at ang sumunod na proseso sa paggamit nito ay nagdulot ng “irreversible damage”, “possibly death” sa mga kabataang naturukan, anxiety, sleepless nights, at gastos sa mga magulang ng bata.
Sa bahagi ng findings at conclusions sa nasabing committe report nakasaad na guilty si Aquino sa mafeasance, misfeasance at nonfeasance.
Ang pakikipagkita aniya ng dating pangulo sa mga opisyal ng Sanofi sa Beijing noong November 9, 2014 at December 1, 2015 ay paglabag sa section 4-B ng Republic Act Number 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public officials and Employees.
Nakasaad sa report na bilang pinakamataas na opisyal ng bansa, ang ginawang pakikipagkita ni Aquino sa mga senior vice president ng Sanofi Pasteur ay nagpapakita na ng “undue patronage” sa kaniyang panig.
Ayon pa sa committee report, ipinag-utos ni Aquino ang pagbili sa Dengvaxia kahit pa hindi ito kasama sa 2015 budget ng pamahalaan.
Ang nasabing report ay draft pa lamang at lalagdaan pa ng mga kapwa-senador ni Gordon na miyembro ng komite.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.