Ininspeksyon muna ng mga miyembro ng Independent Decommissioning Body (IDB) ang halos isang daang armas na bahagi ng ceremonial turnover na ginanap sa Old Maguindanao Provincial Capitol sa Simuay Crossing, Sultan Kudarat.
Maliban sa pag-inspeksyon sa aabot sa 75 na mga high powered weapons, isinailalim rin sa verification process ang 145 na mga combatants ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na magbabalik loob sa Gobyerno.
Ang pag-verify sa mga MILF combatants ay bahagi ng pagtiyak sa kanilang pagkakakilanlan sa ilalim ng decommissioning process.
Maliban kay Pangulong Aquio na personal na sumaksi sa proseso, dumating din sa lugar sina IDB Chairman at dating Turkish Ambassador to NATO Hayder Berk, Defense Sec. Voltaire Gazmin, MILF Chief Negotiator Mohagher Iqbal, Government Chief Negotiator Miriam Colonel-Ferrer, at Malaysian Facilitator Datu Tengku Abdul Ghafar.
Si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Dinky Soliman ay nagtungo rin doon para tiyakin naman ang socio-economic package para sa mga decommissioned members ng MILF.
Maaga pa lamang ay dumating na sa lugar ang mga Senior combatants na magbabalik loob sa Gobyerno. Nakapila silang pumasok sa lugar, naka-berdeng T-shirt, naka-camouflage pants at naka-combat shoes.
Ang mga armas naman ay inilatag lahat sa mahabang lamesa para isa-isang masuri ng mga IDB members.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Iqbal na maliban sa Philhealth cards at P25,000 na financial assistance sa mga magbabalik loob na MILF fighters, tutulungan din silang magkaroon ng ikabubuhay.
Ayon kay Iqbal, may isusulong na normalization trust fund ang Pamahalaan at ang MILF para sa kanila. Ang mga makakalap aniyang pondo ay para sa nasabing trust fund na itutulong para sa mga nagbalik loob./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.